“Anak, halika na.” Pagtawag ni Aling Conseng sa kanyang anak.
“Nariyan na po Nanay.” Sagot naman ng bata. “Nanay, saan po kayo pupunta?” Tanong ng bata sa ina nang mapansin na bihis na bihis ito.
“Bababa ako ng bayan anak.” Maiksing sagot ni Aling Conseng. “Bantayan mo ang kapatid mo, ha Anamarie. Huwag mong hayaan na makalapit sa lawa at baka lunod.” Habilin niya sa panganay na anak.
“Si Tatay po ba ay sasama sa inyo?” Tanong ng bata sa kanyang ina.
“Ay naku anak. Tulog ka pa ay pumunta na ng Isla Grande ang iyong ama upang tingnan ang ating fishnet at ang mga pananim sa bukid.” Sagot ni Aling Conseng sa tanong ng anak.
“Ganun po ba Nay?” Tanong ni Anamarie sa ina. “Kaya huwag mo iyong hahanapin at buong araw iyon na wala.”Dugtong ni Aling Conseng.
Umalis na si Aling Conseng. Sa edad na 40 ay makikitaan pa rin ng bahid ng kagandagan sa maamong mukha ng utihing ginang. Kapansin-pansin sa kanyang mukha ang ilang palatandaan na nagpapakita na siya ay hindi naman isang taal na taga-doon. Sa loob nga ng halos sampung taon ay dayuhan pa rin ang turing ni Aling Conseng sa kanyang sarili.
“Pagpalain nawa ng Poon ang aking mga anak.” Iyon ang tahimik na dalangin ni Aling Conseng nang siya ay makasakay na sa sakayan. Tiwala naman siya sa panganay na si Anamarie dahil likas na matalino ito. Iba ang takbo ng isip ng kanyang panganay sa mga batang kalaro nito. Kung kaya, kadalasan kung hindi man ay palaging iniiwan ng mga kalaro sapagkat hindi gaanong nakakasabay ang kanyang anak sa takbo ng isipan ng mga ito.
“Kasihan Mo nawa, gaya ng parati ang aming mga pananim. At bigyan Nyo Po lakas ang aking asawa sa pang-araw-araw na gawain sa bukid.” Bulong na dasal ni Aling Conseng nang mapadaan sa may simbahan ang sinasakyang jeep.
Sampung taon na ang makalilipas ay napadpad siya sa lugar na iyon. Hindi nga siya taga-doon dahil siya ay taal na taga-Tacurong at nang makilala si Boyet, ang kanyang asawa ay nagging tahanan na niya ang Lake Sebu.
Isa sa mga kinikilala at iginagalang na tao ang kanyang asawa. Isa itong datu na nagmana ng malaking bahagi ng kayamanan ng yumaong ama dahil siya ang pinakamanganay na anak sa limang asawa ng ama nito. Kaparte ng kayamanan na naging sanhi ng paghihirap ng kanyang kalooban dahil ang kayamanang iyon din ang nagpalapit sa mga bulaklak sa isang bubuyog na tahimik na sa natagpuang nectar.
Makalipas ang ilang oras ay nakauwi rin si Aling Conseng sa Lake Sebu. Tapos na siyang makapag-grocery at nabili na rin niya ang panganagilangan sa loob ng pamamahay na sasapat sa loob ng mahigit isang buwan.
“Oh, ayan na pala ang iyong ina, Ana.” Puna ni Mang Boyet nang mapansin ang pagbaba ng asawa sa pampasaherong jeep na tumigil sa harap ng kanilang bahay.
“Nanayyyyy….” Sigaw na salubong ni Anamarie. Maririnig sa boses na iyon ang saya at pananabik.
“Anak, anak ko.” Sabi ni Aling Conseng sabay yapos at binuhat ang anak.
“Binantayan mo ba ang kapatid mo?” Tanong niya kay Aling Conseng.
“Oo naman Nay. Sa totoo nga ay natulog lang ito dahil sinabihan ko po siya.” Pagmamayabang na sagot ni Anamarie sa kanyang ina.
“Siya sige na Anamarie, anak. Doon ka na sa loob at nang makapagligpit na ang Nanay mo ha.”Pagtataboy ni Mang Boyet sa anak. “Makipaglaro ka na lang doon sa kapatid mo sa likod bahay.”Dugtong pang sabi nito.
“Sasabihin na ba natin sa kanya Seng?” Tanong ni Boyet sa asawa nang mapuna na tuluyan na nga itong nawala sa kanilang paningin. “Napakabata pa niya upang malaman iyon. Subalit matalino siya Seng. Alam natin na maiintindihan niya iyon.” Dugtong pa ni Mang Boyet.
“Iyan nga ang ikinatatakot ko Boy.” Naguguluhang sagot din ni Aling Conseng. “Baka sa sobrang talino ay hindi niya maunawaan. Subalit dapat nating ipaalam sakanya ang totoo.”Determinadong wika ni Aling Conseng.
“Ang inaalala ko lamang Seng ay kung kaya bang tanggapin ng kanyang puso na hindi lamang kayo ang pamilya ko.” Malungkot na pahayag ni Mang Boyet.
Hindi alam ng dalawa na kanina pa nakikinig sa may likuran ng mayayabong na Golden Duranta. Matagal na rin niyang alam na may iba pang pamilya ang kanyang ama. Subalit hindi iyon pagtataksil dahil bahagi iyon ng kanilang kultura. Ang kanyang ama ay tulad din ng kanyang lolo.
“Takot pala sila na malaman ko ang totoo.” Naisaloob ni Anamarie.
Umalis ang pobreng bata upang hindi na marinig pa ang pag-uusap ng kanyang mga magulang. Hindi rin naman niya ninais na marinig ang pag-uusap ng mga ito.
Matapos maipasok lahat ng mga pinamili ni Aling Conseng ay pumasok na sa kabahayan ang mag-asawa at doon na rin ipinagpatuloy ang kanilang pag-uusap.
“Seng, gustuhin ko man na dumito ay hindi ko magagawa. Katapusan ngayon ng buwan at tulad ng napag-usapan ninyo ni Conchita, ay doon na ako matutulog at titira sa loob ng isang buwan.”Paliwanag ni Mang Boyet sa asawa.
“Naiintindihan ko Boy. Nakapagpaalam ka na ba sa iyong mga anak?” Tanong ni Aling Conseng sa asawa.
“Iyon nga ang hhindi ko magawa-gawa eh.” Napapakamot ng ulo na sagot ni Mang Boyet. “Hindi ko alam kung papaano ko sasabihin sa kanya. Ayaw kong magsinungaling sa kanya tuwing aalis ako pero hinihingi ng pagkakataon.” Nasabi ni Mang Boyet.
“Ako man ay ganoon din ang aking nararamdaman.” Pagsang-ayon naman na sagot Aling Conseng. “Sa ngayon ay wala talaga tayong maisip na paraan kundi sakyan ang pagkakataon Boy. Saka na natin tawirin ang ilog kapag nandoon na tayo.”
“Iyon nga rin.” Tanging nasambit ni Mang Boyet na kakaramdaman ng konsensya.
“Oh, siya. Anong oras ka ba aalis? Baka gabihin ka?” Tanong ni Aling Conseng sa asawa.
“Ngayon din sana Seng.” Tila nahihiya pang sagot ni Mang Boyet.
“Eh di humayao ka na. Ako na ang magpapaalam sa iyo sa mga anak mo at baka kung Makita ka pa nila’y hindi naman matuloy ang alis mo at masulong naman ako ni Conchita.” Mahabang litanya ng asawang si Aling Conseng.
“Oh siya sige, aalis na ako. Kagabi pa ako naka-empake.” Pagpapaalam ni Mang Boyet sa asawa sabay halik sa mga labi nito.
Palabas na sana ng bakuran si Mang Boyet nang masalubong ang anak. Larawan ito ng isang nakakaunawang anghel na tila may alam ito sa mga pinagdadaanan nilang asawa.
“Tatay, saan po ang punta ninyo?” Tanong ni Anamarie sa ama na may nakakaunwang ngiti.
Hindi alam ni Mang Boyet ang gagawin. Tinakbo na lamang nito ang kanyang anak. Ang pinakamamahal niyang anak at niyakap ito ng mahigpit. Nakiyakap na rin ang inang si Aling Conseng sa anak na namimilisbis ang mga luha sa kanyang mga mata.
“Salamat anak, salamat.” Naluluhang sambit ni Mang Boyet.
“Iyakap mo ako sa kanila Tatay ha?” Naluluhang bilin ng ama ng kumalas ito sa kanya upang makaalis na. Kumaway si Anamarie at sa pagkaway niyang iyon ay ang pang-unawa para sa mga magulang at ang isang munting damdamin na bumubulong sa kanya na hindi niya susundin ang kulturang kinagisnan ng ina.